Wednesday, November 3, 2010

Sabi ni Tatay

Sabi ng tatay ko: "Puros ka porma; puros ka garbo; puros ka yabang—pag-aaral naman, pinapabayaan."

Ito ay kaniyang sinabi sa akin nung mga araw na ako isa pang dakilang tambay, noong mga panahong ako aya walang pangarap at kuntento na sa gabi-gabing paaso-aso sa lansangan. Kaya naman, ang kaniyang puna ay hindi ko pinansin, at akin lamang nilunok at kinalauna'y inutot.

Ngunit ngayong ako ay sawa na sa pagiging isang palalo, aking naaalala ang mga payo sa akin ni tatay. Minsan kasi sa buhay natin, kailangan nating maging mapusok upang malaman ang hangganan ng ating mga kahibangan. Naisin ko man na ibalik ang kahapon na king sinayang, hindi na maaari, at ang tangi ko na lang kayang gawin ay ang pagbutihin ang aking gawi sa ngayon at sa hinaharap.

Naalala ko nung nung naglayas ako noong ako'y nasa ika-anim na baitang pa lamang. Ako ay nangutang ng pera upang makapunta sa Cavite at manirahan sa aking mga kamag-anak na doo'y naninirahan. Ako'y namangha sa inakala kong katigasan ng puso ng aking tatay sapagkat hindi man lamang niya sinundo ang kanyang bunsong anak na lumayas dahil na rin sa takot sa kanyang mga banta.

Ngunit ngayong alam ko na ang hirap ng buhay, nauunawaan ko na kung bakit hindi iniwan ni tatay ang kanyang trabaho bilang isang Taxi driver. Hindi kakayanin ng aming pamilya na mabasawan ng ilang araw na kita dahil lamang sa isang anak na pasaway. Malamang, inisip ni tatay ang kalagayan ng buong pamilya, kaya't kanyang napagdesisyonan na ipadala ang aking kapatid na babae upang ako ay sunduin.

"Puros ka porma; puros ka garbo; puros ka yabang."

Wala naman akong alam.

"Pag-aaral naman, pinapabayaan."

Wala akong alam.



No comments: